UBJP patuloy ang mga Programa bilang Paghahanda sa 2025 Elections
COTABATO CITY (Ika-11 ng Hulyo, 2024) — Kinumpirma na ng UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin T. Ali ang mga opisyal ang listahan ng mga pangalan ng mga OIC Mayor, OIC Vice Mayor, at mga konsehal na itinalaga sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ay mangunguna sa pagbigay ng gabay sa kanila, tulad ng ginawa sa Maguindanao del Norte na ginanap sa UBJP Headquarters Cotabato City ika-10 ng Hulyo.
“Generally the MILG will guide them, for those mayor’s and vice mayor’s including the councilors katulad din po ito nong paano inorganize at napa operationalize ang probinsya ng Maguindanao del Norte,” ani Engr. Ali.
Ayon pa sa tagapagsalita ng UBJP, sa isinagawang Press Conference kahapon, July 10, na ginanap sa UBJP Regional Headquarters sa Tamontaka, Cotabato City, upang maging matagumpay ang mga munisipalidad, kailangan magsanib-puwersa ang lahat ng appointed officials sa bawat munisipyo. Magtatayo sila ng istruktura at posisyon para sa mga munisipalidad, at magkakaroon ng mga pagpupulong kasama ang mga pangunahing opisyal. Ang MILG ang magbibigay ng gabay sa mga hakbang na gagawin.
Samantala, sinabi din ni Engr. Ali na mayron pang dalawang natitirang asembleya na gaganapin ang UBJP. Ang una ay sa coastal area ng Lanao del Sur, partikular sa Malabang, na itinakda sa Hulyo 18, ayon sa kahilingan ni Speaker Atty. Pangalian Balindong. Ang huling asembleya ay gaganapin sa lalawigan ng Sulu.
“Mayroon nalang pong dalawang assemblies na natitira na gagawin natin. Mauna po diyan yong coastal area ng Lanao del Sur specifically gaganapin yung assembly natin sa Malabang and this is special request from our speaker Atty. Pangalian Balindong, initially ay sa July 18 ang schedule natin for Malabang and lastly ang assembly na gaganapin natin sa Sulu province,” dagdag pa ni Engr. Ali
Sa pulong naman na ipinatawag sa Metro Manila ay sinabi ni Engr. Ali na walang nangyaring pananakot na ginawa. Binanggit lamang anya ni Reynaldo Tamayo Jr., Governor ng South Cotabato na tinitingnan lamang ang pamahalaan ng BARMM upang makita kung maayos ito at ano pa ang kailangang pagbutihin.
Sinabi ni Engr. Ali na ang ganitong proseso ay gagawin din sa mga LGUs upang maipakita kung maayos ang mga ito. Walang nakikitang dahilan para matakot sa hakbang na ito.
Ibinahagi din ni Engr. Ali na patuloy na nagiging aktibo ang UBJP sa kanilang mga aktibidad at pangakong magbigay ng serbisyong pampubliko sa kanilang nasasakupan.
Inihayag din nito sa Media na validated na ng COMELEC-BARMM ang mga rekisitos na isinumite ng UBJP upang makalahok sa gaganaping 2025 elections.
Ipinalabas ng Komisyon ang order kung saan nakasaad na kailangang dumalo ng UBJP sa gaganaping hearing sa Hulyo 23. Ito na ang huling bahagi ng proseso na kailangang pagdaanan ng isang political party na nais maging bahagi ng parliamentary elections sa BARMM sa Mayo 2025. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)