Delegado ng BARMM, Ibinida ang “Identity” sa Parada at Opening Program ng Palarong Pambansa 2024

Mga atletang Bangsamoro at coaches na nagpakuha ng litrato sa BMN/BangsamoroToday habang hinihintay ang pagdating ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Cebu City Sports Center, Cebu City, July 9, 2024. (Litrato ni Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-10 ng Hulyo, 2024) — Ibinida ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang “identity” sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2024 na ginanap kahapon, ika-9 ng Hulyo, 2024 sa sports center ng Cebu City.

Ang engrandeng seremonya ay nagsimula sa isang parada na dinaluhan ng 17 rehiyon mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ang nasabing palaro ay may temang “Beyond Sports: Puso sa Paglalaro, Galing sa Pagpupunyagi, Talino sa Pag-aaral”, ay isang linggong kompetisyon na magsisimula ngayong araw, ika-10 hanggang ika-16 ng Hulyo, 2024.

Ang opisyal na pagbubukas ng kompetisyon ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at binigyang-diin ang naturang kaganapan.

“The Palarong Pambansa stands as the country’s pinnacle of national sporting events. It is also a platform where we discover, develop, and hone future professional athletes, Olympians, and servant-leaders,”mensahe ni Pangulong Marcos sa programa.

Samantala, kapansin-pansin ang kasuotan ng atletang Bangsamoro dahil sila lamang sa buong rehiyon ang nagsusuot ng hijap para sa mga babae at kupiya para naman sa mga kalalakihan sa parada suot ang kulay berde, dilaw, puti at pula na sumisimbolo bilang Muslim ng bansang Pilipinas at katatagan ng Bangsamoro. Ang BARMM ay isang rehiyon na dominante ang bilang ng Muslim ngunit kasama din ang mga Indigenous People (IP) at ng non-Muslim tulad ng Kristiyano.

Ang Palarong Pambansa ay isang taunang pampaaralang kompetisyon na naglalayong pagtipunin ang mga student-athlete mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang magtagisan sa iba’t ibang paligsahan. Layunin din nitong isulong ang pisikal na kalakasan at palakasin ang diwa ng disiplina at respeto sa mga kapwa atleta. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post President Marcos Jr. Pinangunahan ang Opening Ceremony ng Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City
Next post MSSD Namahagi ng Cash Assistance para sa Bangsamoro Sagip Kabuhayan