MBHTE Tinitiyak ang Pagpaapahusay ng Kalidad ng Edukasyon sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-29 ng Hunyo, 2024) — Patuloy ang Ministry of Basic Higher and Technical Education (MBHTE) sa kanilang layuning mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Bangsamoro sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at inisyatibo. Kamakailan lamang, nagbigay ang MBHTE sa pamamagitan ng Project Improve Quality Education in the Bangsamoro Land (I.Q.B.A.L.), ng mahigit 300 learner’s kits at iba pang kagamitan tulad ng alkohol, manipulative toys, flashcards, at educational charts sa Camp Ibrahim Sema Elementary School at Camp Ibrahim Sema Memorial High School sa Maguindanao Del Norte.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng proyekto, namahagi rin ang MBHTE ng 2,800 armchairs sa mga paaralan sa Basilan at Lamitan City. Layunin ng MBHTE na itaguyod ang adbokasiyang magpapabuti sa kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan sa Bangsamoro, na makatutulong upang maabot nila ang kanilang buong potensyal.
Samantala, sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) 2022, ay naganap ang pamamahagi ng tool kits sa mga nagtapos ng Bread and Pastry Production NC-II noong ika-26 ng Hunyo, sa Cadayonan, Marawi City, Lanao del Sur. Pinangunahan ni MBHTE-TESD Lanao del Sur Provincial Director Asnawi L. Bato ang pamamahagi, katuwang ang RLM Multi Skills Training and Assessment Center Inc., isa sa mga Training Vocational Institutes (TVIs).
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga trainees sa kanilang natanggap na kagamitan na magagamit nila upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay. Ang mga ganitong hakbang ay mahalaga sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga nagtapos at sa pagpapatibay ng Bangsamoro community. (Noron M. Rajabuyan at Nurhaya A. Esmael, MSU-Maguindanao OJT ABIS Student, BMN/BangsamoroToday)