Pagsulong ng Karapatan ng mga Katutubo, Agenda sa Pagpupulong ng NCIP at MIPA sa General Santos City
COTABATO CITY (Ika-28 ng Hunyo, 2024) — Ang Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA) ay dumalo sa Joint Technical Working Group Meeting ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at MIPA noong ika-25 ng Hunyo na ginanap sa Greenleaf Hotel, General Santos.
Ang pagpupulong ay upang ipakilala ang Memorandum of Cooperation (MOC) layunin nito na ipresenta ang Timeline ng mga aktibidad ng TWG at magbigay ng mga update sa proseso ng rekonsilasyon ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Lungsod.
Samantala, nagtulungan naman ang MIPA at NCIP upang pinuhin ang draft interagency guidelines at tiyakin ang kanilang pagiging epektibo matapos ipatupad ang IP code. Bukod pa dito binuo nila ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na maglatag ng mga plano para sa pagpapatupad ng programa upang mapalakas ang kakayahan ng MIPA at NCIP para matugunan ang mga isyu ng katutubo pati narin ang pagbuo ng balangkas sa pagbabahagi ng datos, interagency cooperation at coordination.
Nagbigay naman ng pasasalamat sina Catherine Gayagay-Apaling, ang Direktor ng NCIP, at Suadi Pagayao, ang Deputy Minister ng MIPA, sa lahat ng nakilahok at nagbahagi ng kanilang kaalaman. Nagpasalamat din sila sa bawat isa na nakatulong upang mapabuti ang Technical Working Group.
Ang Memorandum of Cooperation at mga iminungkahing gabay ay magsisilbing pundasyon para sa mas pinahusay na serbisyo at suporta sa mga katutubo. Ang mga plano para sa capacity-building program ay magbibigay ng kinakailangang pagsasanay at kaalaman sa mga opisyal ng MIPA at NCIP upang mas epektibong matugunan ang mga pangangailangan ng mga katutubo.
Sa pamamagitan ng interagency cooperation at data sharing, mas naging epektibo ang mga hakbang para sa pagpapaunlad ng mga komunidad ng mga katutubo. Ang patuloy na rekonsilasyon at pagbuo ng mga konkretong plano ay nagpapakita ng dedikasyon ng gobyerno sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga katutubo. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)