MP Kelie Antao Pinangunahan ang Pamamahagi ng ₱2.9 Milyon sa mga Apektadong Komunidad sa SGA BARMM

(Litrato mula kay MP Mohammad Kelie U. Antao)

COTABATO CITY (Ika-27 ng Hunyo, 2024) — Pinangunahan ni MP Mohammad Kelie U. Antao ang pamamahagi ng ₱2.9 milyong pinansyal na tulong sa 585 na benepisyaryo na layuning mapalakas ang suporta sa mga marginalized na komunidad ng Bangsamoro.

Ang tulong na ito ay mula sa Transitional Development Impact Fund (TDIF) 2023 ni MP Antao at naipamahagi sa pamamagitan ng mga programa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) mula ika-14 hanggang ika- 24 ng Hunyo, sa iba’t ibang munisipalidad ng Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.

Ang mga benepisyaryo ng nasabing tulong ay kinabibilangan ng mga estudyante, ulila, at biyuda. Ang mga estudyante ay nakinabang sa programang Angat Bangsamoro: Kabataan Tungo sa Karunungan, ang mga ulila sa KUPKOP, at ang mga biyuda sa Bangsamoro Sagip Kabuhayan.

Ang mga programa na ito ay nagbigay ng pinansyal na insentibo na nagkakahalaga ng ₱3,000, ₱ 5,000, at ₱15,000, ayon sa pagkakabanggit.

Ang nasabing pamamahagi ng kabuuang ₱ 2,965,000 ay isinagawa ng opisina ni MP Antao sa pakikipagtulungan ng mga municipal at provincial offices ng MSSD sa SGA, kung saan nagpakita ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng kinakailangang suporta sa mga apektadong komunidad.

Ayon kay MP Antao, ang TDIF ay itinakda ng Bangsamoro Government upang matiyak ang epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad na matagal nang naapektuhan ng kaguluhan.

Bukod sa MSSD, ipinahayag rin ni Antao ang kanyang pakikipagtulungan sa iba pang ministeryo ng BARMM para sa mga proyektong imprastruktura, makinarya, at mga scholarship grant na ipapatupad sa mga darating na buwan. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Mapping Activity para sa Implementasyon ng Matatag Curriculum sa 2024, Isinagawa ng MBHTE
Next post Pagpapalakas ng Bangsamoro Communities sa Labas ng BARMM, Tinalakay sa Programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man”