“Gob Sam” Hinangaan ang mga Nagtapos ng Rescue Training ng PDRRMO sa Cotabato City BARMM
COTABATO CITY (Ika-21 ng Hunyo, 2024) — Sa isang seremonyal na kaganapan, hinangaan ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa pinakabagong batch ng mga nagtapos mula sa Swift Water at Mountain Operation Search and Rescue Training (MOSART) ‘SAMATATAG CLASS 01-2024’. Sa ilalim ng pamumuno ni Datu Nashrullah Imam, ang PDRRMO ay naging mahalaga sa paghahanda ng mga tagapagligtas para sa mga kritikal na operasyon sa pagliligtas. Ito ay ginanap nitong Miyerkules, ika-19 ng Hunyo, 2024 sa Conference Hall, Provincial Sattelite RH-9 Cotabato City, BARMM.
Sa mensahe ni Gobernador Macacua, binanggit nito na ang malaking kahalagahan ng pagsasanay, dagdag din nito ang mga aral mula sa Islam ay para ipakita ang halaga ng buhay ng tao.
“Itong natapos ninyo ngayon ay napakaimportante sa buhay ng mga Bangsamoro, kabilang na mismo ang mga buhay ninyo, because the real intention is to rescue and save life. Ang sabi sa Qur’an, isang buhay ang mailigtas ay katumbas ng pagligtas sa buong sangkatauhan. In contrast to that principle, once makapatay ka ng isang tao na hindi naaayon sa batas ay as if you killed the whole humanity, that’s the principle of Islam,” anya pa.
“Kailangan ang lahat ng pinag-aralan ay ma-implement mismo sa mga sarili ninyo dahil iyon ang purpose upang makarescue kayo sa ibang tao. First thing, kailangan ligtas kayo,” dagdag nito.
Ang mga masusing sesyon ng pagsasanay ay ginanap sa mga bayan ng Buldon at Barira, sa pangunguna ng Bangsamoro Fire Protection (BFP) ng pamahalaang BARMM. Ang nasabing programa ay pinangunahan nina Regional Chief of Staff FSUPT Reggy Olmedo, DSC, kasama ang Chief of Special Rescue Force FSINSP Joebert Sanao, na kapwa gumanap ng mahalagang papel sa pagbibigay ng mahahalagang kasanayan sa mga kalahok para sa pagtugon sa sakuna at mga operasyon sa pagliligtas. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)