Project TABANG Namahagi ng Baka sa Eid’l Adha
COTABATO CITY (Ika-20 ng Hunyo, 2024) — Sa ilalim ng pangunguna ng Office of the Chief Minister (OCM) at ng project management office, matagumpay na isinagawa ang pamamahagi ng mga baka at karne sa Bangsamoro region bilang bahagi ng pagdiriwang ng Eid’l Adha. Ang programang ito ay kilala bilang Social Assistance for Special Tradition, isinagawa ito kahapon, araw ng Miyerkules ika-19 ng Hunyo, 2024 sa Old Capitol Open Grounds, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ang nasabing proyekto ay naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang Bangsamoro sa pamamagitan ng pagbibigay ng karne ng baka at iba pang serbisyong pang-humanitaryo sa panahon ng Eid’l Adha, kung saan ito ay isang mahalagang pagdiriwang sa mga Muslim.
Sa kabuuan, 123 baka ang ipinamahagi sa iba’t ibang lugar tulad ng Maguindanao del Norte (MDN), Maguindanao del Sur (MDS), Special Geographic Areas (SGA), at Cotabato City. Noong ika-14 ng Hunyo, limamput-isa (51) baka ang naipamahagi sa mga residente ng SGA, noong ika-19 ng Hunyo naman ay pitumput-dalawang (72) baka naman ang naipamahagi sa MDN, MDS, at Cotabato City. Samatala, ang mga natitirang baka naman ay nakatakdang ipamahagi sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at mga lugar sa Lanao.
Ayon sa mga opisyal, ang ganitong uri ng programa ay hindi lamang naglalayong magbigay ng materyal na tulong kundi pati na rin pagpapalaganap ng diwa ng Eid’l Adha, kung saan ang pagbibigayan at pagtulong sa kapwa ay binibigyang-diin. Ang Eid’l Adha ay isa sa dalawang malaking pagdiriwang ng mga Muslim na nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa at pagbabahaginan, lalo na sa panahon ng pangangailangan. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)