BMN, MSU-Maguindanao lumagda ng MOA, 15 Islamic Studies Students nagsimula na sa OJT
COTABATO CITY (Ika-19 ng Hunyo, 2024) — Nilagdaan sa pagitan ng Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc. at Mindanao State University (MSU) Maguindanao Islamic Studies Department ang makasaysayang Memorandum of Agreement (MOA) upang pormal na magsimula ang On-the-Job-Training (OJT) ng 15 mag-aaral na may kursong Islamic Studies Major in Shariah (Law) nitong araw ng Martes ika-18 sa buwan ng Hunyo.
Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni Faydiyah Samanodi Akmad, Executive Director ng BMN, at Prof. Abdulmaula U. Mantawil, OJT supervisor ng College of Arts and Science Islamic Department ng MSU-Maguindanao na sinaksihan ng mga mag-aaral, kasama ang mga kawani at CEO ng BMN, na ginanap sa office-studio ng BMN, Barangay Datu Balabaran, Tamontaka Mother, dito sa Lungsod.
Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ng BMN Executive Director Akmad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Bangsamoro Multimedia Network dito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagbibigay ng makabuluhang impormasyon sa komunidad ng Bangsamoro. Aniya, “ang BMN ay naglalayong magbigay ng tama at tiyak na impormasyon upang maiparating sa ating mga kababayan ang mga pangyayari sa usaping pangkapayapaan at proyekto ng pamahalaan, mga development partners, at mga internasyonal na organisasyon.”
Pinuri rin niya ang mga mag-aaral mula sa MSU-Maguindanao sa kanilang pagpapakita ng interes na maging bahagi ng pagbibigay ng impormasyon sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagsusulat. Dagdag pa niya, “Sa loob ng isang buwan, inaasahan namin na makakabuo kayo ng mga kwento na makatutulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga mamamayan sa Bangsamoro.”
Ayon naman kay Prof. Mantawil, “Pinili namin ang BMN bilang lugar ng pagsasanay dahil dito masusubukan ng mga estudyante ang kanilang natutunan sa tunay na mundo ng multimedia at komunikasyon.”
Samantala, sa mensahe ni Tu A. Alfonso, Chairman ng BMN, hinggil sa kahalagahan ng OJT at pagpili sa BMN bilang training ground sa pagsusulat, at pagbuo ng kalidad na komunikasyon, “Pagbutihan ninyo ang pag-aaral ng multimedia work, mahalaga ang komunikasyon dahil ito ay in demand sa panahon ngayon.”
Sinabi rin ni Alfonso, na nakalatag na ang mga ginagawang pagsasanay para sa mga OJT students sa pamamagitan ng daily at weekly activities, kabilang dito ang pag-aaral ng multimedia literacy and production, pagsusulat ng komunikasyon, balita at ito anya ay e’ upload sa website ng BMN, ang BangsamoroToday.com.
“Susubukan din namin kayong makilala ang ilang mga leaders ng Bangsamoro government upang direkta ninyo silang makapanayam, tulad ni MBHTE Mohagher Iqbal, MP Mohammad Kelie Antao, MP Atty. Mary Ann Arnado at iba,” ayon kay Alfonso. Hindi pa man nakapag’ fieldwork ang mga OJT students ay nasasabik na sila na ito ay magawa, bagamat dagdag ni Alfonso na kailangan munang sanayin ang mga OJT students bago sila e deploy sa maaaring makakuha sila ng isusulat na impormasyon.
Sa pangkalahatan, ang paglagda sa MOA ay nagpapakita ng determinasyon ng BMN na magsilbing gabay at pasilidad para sa mga mag-aaral MSU Maguindanao, na maglilingkod at maging tagapagtaguyod ng tamang impormasyon at komunikasyon sa Bangsamoro.
Magugunita na nagkaroon din ng kauna-unahang OJT ang mga estudyante ng University of Southern Mindanao (USM) ang anim (6) na Bachelor of Science in International Relations (BSIR) students at nakompleto ang Internship Program sa Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc. noong buwan ng Pebrero at Mayo, 2023. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)