UN-FAO nagbigay ng IT Equipment sa MAFAR para sa pagpapaunlad ng Agrikultura sa Cotabato at Maguindanao
COTABATO CITY (Ika-14 ng Hunyo) — Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng agrikultura ang naganap nang ipagkaloob ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (UN-FAO) ang unang batch ng mga kagamitang pang Information Technology (IT) sa Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) sa isang seremonya na ginanap sa MAFAR Conference Room, BGC, Cotabato City noong Ika-10 ng Hunyo.
Pinangunahan ni Mr. Dante Eleuterio, pinuno ng UN-FAO Mindanao Sub-Office ang turnover ceremony. Kabilang sa mga kagamitang ipinagkaloob ang isang Acer Travelmate P2, isang desktop computer, dalawang laptops, isang projector, at isang DSLR camera.
Ang mga kagamitang ito ay bahagi ng proyektong pinondohan ng New Zealand na sumusuporta sa mga kabuhayang pang agrikultura at mga negosyong pang-agribusiness para sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa mga lalawigan ng Maguindanao at Cotabato.
Sa kanyang mensahe ng pasasalamat, ipinahayag ni Minister of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform Dr. Mohammad S. Yacob, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa patuloy na suporta ng UN-FAO sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon.
“Tinanggap namin ito hindi lamang bilang karagdagan sa aming kagamitan, kundi bilang patunay ng ating mahalagang pakikipagtulungan. Gagamitin namin ito upang ipagpatuloy ang pag-unlad na inyong nasimulan sa aming mga lugar,” ani Minister Yacob.
Bukod dito, noong Ika-5ng Abril, ipinagkaloob din ng UN-FAO ang ilang mga gamit pang-opisina sa MAFAR-Maguindanao, isang hakbang na lalo pang nagpapatibay sa kanilang suporta sa sektor ng agrikultura sa rehiyon. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)