MAFAR nagsanay sa mangingisda ng Catfish Production sa Maguindanao
COTABATO CITY (Ika-12 ng Hunyo, 2024) — Tatlumpong (30) mangingisda mula sa Upi at South Upi ang dumalo sa isang espesyal na pagsasanay ng Catfish Production na isinagawa ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) – Maguindanao Fisheries Production Section noong ika-11 ng Hunyo.
Ang aktibidad na ito ay ginanap sa Gian’s Resto and Bakeshoppe, Nuro, Upi, Maguindanao del Norte, na may layuning pagyamanin ang kaalaman ng mga mangingisda sa tamang pamamaraan ng pag-aalaga ng isdang hito.
Sa pambungad na talumpati ni Bernadette Francis, Agriculturist I, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa mga dumalo sa naturang pagsasanay. Hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang kanilang limang pandama upang mas marami silang matutunan na maaaring magamit sa kanilang mga palaisdaan.
Si Mariano Real Jr., mula sa Municipal Agriculture and Fishery Council, ay nagbigay din ng mensahe sa mga kalahok. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsasanay bilang isang mahalagang pagkakataon upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga mangingisda. Ayon pa Kay Mariano malaking tulong ang natutunan sa pag-aalaga ng hito para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Pinangunahan ni Morsid Mamalangkap, Aquaculturist II mula sa MAFAR Fisheries Production Section, ang pagsasanay. Kanyang tinalakay ang mga pangunahing kaalaman at kasaysayan ng Catfish Production, kasama ang mga halimbawa na nagbigay linaw sa mga konseptong itinuro. Sa pagtatapos ng programa, nagkaroon ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at mabigyan ng linaw ang kanilang mga agam-agam.
Sa pangwakas na bahagi ng pagsasanay, nagbigay ng panghuling impresyon si Seeham Pangol, MAFAR Municipal Officer ng South Upi. Ipinahayag niya ang kanyang kagalakan sa aktibong partisipasyon ng lahat, na nagresulta sa matagumpay na pagtatapos ng programa sa pangunguna ng mga kawani ng MAFAR-Maguindanao Fisheries Production Section. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)