Unang ManCom Meeting ng MSSD-BARMM sa 2024, Maghahatid ng mas Komprehensibong Serbisyo

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-11 ng Hunyo, 2024) — Nagtipon-tipon ang mga opisyal at hepe ng lahat ng dibisyon, programa, at pang-probinsiyang tanggapan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa unang Management Committee (ManCom) meeting ng fiscal year 2024 noong Hunyo 3-7, 2024 sa Esperanza, Sultan Kudarat. Ang limang araw na pagpupulong ay naglalayong suriin ang kasalukuyang pagpapatupad ng mga programa sa grassroots level, talakayin ang mga ulat na nagawa, at magplano ng mga estratehiya upang mapahusay ang pagbibigay ng serbisyong panlipunan sa rehiyon.

Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Atty. Raissa H. Jajurie, Minister ng MSSD BARMM, ang kahalagahan ng aktibidad na ito para sa ministeryo. “Marami na tayong ipinatutupad na programa. Kaya mahalaga ang ManCom meetings para malaman natin kung nasaan na tayo, kung saan may mga problema, at kung paano natin maaayos ang mga isyu sa operasyon,” ani Atty. Jajurie.

Dagdag pa niya, “Mahalaga rin ang ManCom na ito bilang paghahanda para sa darating na teknikal na pagdinig sa budget habang tinatalakay natin kung paano natin maimpluwensyahan ang Ministry of Finance, Budget, and Management (MFBM) at ang parlamento ukol sa pagpapatupad ng ating mga programa at paggamit ng pondo.”

Binigyang-diin din ng pagpupulong ang pangako ng MSSD na magbigay ng komprehensibong suporta sa kagalingang panlipunan para sa mga mamamayan, lalo na sa mga nasa laylayan at mga bulnerableng sektor.

Sa kalagitnaan ng programa, nagkaroon ng sabayang pagbisita sa mga kliyente at proyekto ng MSSD sa walong munisipalidad ng Maguindanao del Sur upang makakalap ng karagdagang impormasyon at masuri ang kanilang kalagayan.

Kabilang sa mga pangunahing resulta ng ManCom meeting ang mga presentasyon ng input mula sa field activity, mga nagawang milestones, at pinakamahusay na kasanayan ng mga benepisyaryo at field offices, pagbuo ng mga catch-up plans, at mga rekomendasyon bilang mga hakbang upang matugunan ang mga natukoy na puwang at hamon, at pagsusuri ng operational guidelines para sa pagpapatupad ng programa.

Ayon pa sa MSSD, ang unang ManCom meeting ngayong taon ay sumasalamin sa dedikasyon ng Ministry sa kolaboratibong pamamahala at tuloy-tuloy na pagpapabuti sa mga inisyatiba ng kagalingang panlipunan. Habang sumusulong ang MSSD, nananatiling committed ang mga implementer at partner stakeholders sa pagpapalaganap ng kagalingan at pag-unlad ng mga komunidad sa buong rehiyong Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOU nilagdaan sa pagitan ng BPDA, MOTC, PLGU, at MLGU para sa inaasahang BARMM International Airport
Next post Bangsamoro Celebrates Inaugural International Day of Play