Usapang 4Ps sa BARMM Tampok sa Bangsamoro Muna: MSSD At Your Service

I
(Screenshot mula sa programang Bangsamoro Muna: MSSD At Your Service)

COTABATO CITY (Ika-3 ng Hunyo, 2024) — Tinalakay sa programang “Bangsamoro Muna: MSSD At Your Service” ang mahalagang usapin tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Sabado, ika-1 ng Hunyo.

Ang mga panauhing pandangal sa programa ay sina Bai Shalymar A. Sinsuat, RSW, MSSW, Regional Program Coordinator ng 4Ps-BARMM, at Norjiana U. Mamariong, Regional Grievance Officer ng 4Ps-BARMM.

Ayon kay Mamariong, ang 4Ps ay isang development measure ng gobyerno, partikular ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang mahihirap upang mapabuti ang kalusugan at edukasyon ng mga batang edad 0-19 taon. Aniya, ang programang ito ay naisabatas noong 2019 sa ilalim ng Republic Act 11310, na naglalayong mapababa ang kahirapan sa bansa at mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 271,848 active beneficiaries ang 4Ps sa BARMM, ngunit, dahil sa sobrang bilang ng mga benepisyaryo, kailangan munang magpa-graduate ng mga kasalukuyang benepisyaryo bago tumanggap ng mga bagong aplikante, ayon pa sa MSSD.

Simula 2019, nakapagtala na ang BARMM ng 70,024 beneficiaries na nag-exit mula sa programa, at inaasahang marami pang magtatapos ngayong 2024.

Binanggit din ni Mamariong ang proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo, na nagsisimula sa Listahanan, isang information management system na pinamamahalaan ng DSWD kung saan magtatapos ito sa Disyembre nitong taon. Ang Listahanan ay papalitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) upang mas mapabilis at mas maging epektibo ang pagtukoy sa mga nangangailangan.

Pinunto naman ni Sinsuat na ang pag-stay sa programa ay hanggang pitong taon lamang upang matiyak na hindi na babalik sa kahirapan ang mga benepisyaryo matapos lumabas sa programa. Sinisiguro ng MSSD na dumadaan sa transition assessment at case management processes ang mga exiting beneficiaries.

Para sa mga may katanungan o reklamo ukol sa 4Ps, maaring makipag-ugnayan sa Grievance Desk ng MSSD o sa Hotline Number ng 4Ps BARMM 0916-846-2731. Patuloy ang MSSD sa pagtugon at pag-verify ng mga reklamo upang mapanatili ang integridad at transparency ng programa.

Sa pagtatapos ng programa, inihayag ni Sinsuat na ang 4Ps implementation sa BARMM ay patuloy na umaangat mula nang maitatag ito noong 2019, at nagsusumikap ang MSSD na ipatupad ang programa sa parehong paraan ng ibang rehiyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MPW Strengthens BARMM Infrastructure with New Heavy Equipment Distribution
Next post Maguindanao del Norte Launches‘ Sagip Apektadong Magsasaka Project’ to Support Farmers Affected by El Niño