Bangsamoro gov’t. namigay ng Php5,500 Cash-for-Work Assistance sa Sulu
COTABATO CITY (Ika 30 ng Mayo, 2024) — Pitumpot Lima (75) na manggagawa mula sa informal sector sa Indanan, Sulu, BARMM ang binigyan ng Php5,500 bawat isa sa ilalim ng Cash-for-Work (CFW) Program ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro government.
Kabilang sa mga tumanggap ng tulong ang mga Internally Displaced Persons (IDPs), solo parents, at Returning Filipinos mula sa Sabah (REFs). Ang mga benepisyaryo ay nagmula sa mga barangay ng Bunut, Buansa, at Bato-Bato, na may 25 katao mula sa bawat barangay.
Sa pamumuno ng Disaster Response and Management Division (DRMD) ng MSSD, ang mga benepisyaryo ay nagtrabaho ng 20 araw sa mga aktibidad na naghahanda laban sa sakuna. Kasama sa mga gawain ang paglilinis ng mga drainage, pagtatanim ng puno, paglalagay ng bakod, paglilinis ng baybayin, at pagtatayo ng mga pasilidad para sa Tubig, Kalinisan at kalusugan (WASH) tulad ng mga palikuran at lugar para sa paghuhugas kamay
Maliban sa pinansyal na tulong, ang mga benepisyaryo ay tumanggap din ng mga pangkabuhayan goods. Ang mga ito ay naglalaman ng isang sako ng bigas, iba’t ibang de-latang pagkain, at kape, na naglalayong matulungan ang mga pamilya na tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa MSSD, ang karagdagang tulong na ito ay isang malaking ginhawa para sa mga pamilyang nahaharap sa mga hamon sa kanilang kabuhayan
Ang CFW program ay mahalagang bahagi ng mga inisyatibo ng MSSD upang mapabuti ang kalagayan ng mga taong nawalan ng tahanan, mahihirap, at nangangailangan ng tulong. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang trabaho, pinalalakas nito ang komunidad sa pamamagitan ng mga proyekto at aktibidad na isinasagawa sa kani-kanilang lugar o evacuation centers. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)