MSSD-BARMM Naglaan ng Pinansyal na Tulong sa 375 PWDs sa Datu Saudi Ampatuan
COTABATO CITY (Ika-29 ng Mayo, 2024) — Umabot ng 375 na may kapansanan sa Datu Saudi Ampatuan, naging benepisyaryo ng pinansyal na tulong mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro government noong ika-25 ng Mayo 2024 upang mapabuti ang kalagayan ng mga may kapansanan sa Bangsamoro region.
Sa pamamagitan ng programang Kalinga Para sa May Kapansanan, bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng halagang PhP3,000.00 pesos na magbibigay ng agarang tulong sa kanilang pangangailangan.
Ang MSSD ay naglalayong suportahan ang mga mahihirap na PWDs sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang stipend na PhP500.00 na naglalayong matugunan ang kanilang pangangailangan at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga ito sa kanilang lugar.
Ayon kay Al-Usare Abdulgani, Social Welfare Officer I, ang MSSD ay nagsusulong ng inklusibo at kapakanan ng lahat, at ang programang ito ay naglalayong magbigay ng kinakailangang suporta sa mga PWDs.
Bukod dito, may mga plano rin ang MSSD para sa mga susunod na proyekto na magbibigay ng mas maraming oportunidad sa edukasyon, trabaho, at pakikilahok sa komunidad, na naglalayong lalo pang mapabuti ang kalagayan ng mga PWDs sa Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)