UBJP President “Alhaj Murad” Ebrahim itinalaga si “Mang” Sali bilang Provincial Chief Executive Officer ng UBJP sa Tawi-Tawi
COTABATO CITY (Ika-26 ng Mayo, 2024) — Pinangunahan ni United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Ahod “Alhaj” Murad Ebrahim, ang 1st Provincial General Assembly ng UBJP Tawi-Tawi na ginanap sa Bongao, Tawi-Tawi noong 25 Mayo 2024 at itinalaga rin niya si Tawi-Tawi Governor Yshmael “Mang” Sali bilang Provincial Chief Executive Officer ng UBJP sa Tawi-Tawi.
Sa ulat ng UBJP Regional Headquarters ay mahigit 10,000 miyembro ng UBJP ang nangako ng kanilang suporta sa pamumuno at prinsipyo ng Partido sa panahon ng pagpupulong.
Humigit-kumulang 500 na mga local at traditional leaders kabilang ang 10 Mayors, 10 Vice Mayors, 13 Board Members at mahigit 100 pa na Municipal councilors ang opisyal na nanumpa bilang mga miyembro ng UBJP kasabay ng nasa 10,000 kataong supporters mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi na dumalo sa ginanap na Provincial Assembly, dagdag pa sa ulat.
Ang nasabing oath taking ay mismong pinangunahan ni UBJP President Ebrahim. “Nais kong pasalamatan ang active at dynamic na Governor ng Tawi-Tawi na siyang host nitong assembly natin, brother Governor Yshmael “Mang” Sali kasama ang iba pang opisyal ng probinsya at mga municipal mayors. Maraming salamat po sa inyong patuloy at napakainit na suporta sa ating Political Party, na tunay na may malasakit sa lahat ng Bangsamoro”, wika pa ni President Ebrahim.
“Sa UBJP, kasama ang ating mga walang kapagurang mga Party workers, malinaw po ang ating vision- kaisa ng bawat Bangsamoro sa pagsusulong ng inklusibong pamamaraan ng pag-gogobyerno, kasama ang lahat upang maisakatuparan ang pagiging principled and genuine na Political Party sa BARMM,” ayon pa kay President Ebrahim.
Samantala, inaasahan namang maisagawa ng UBJP, ang political party ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang 1st Provincial General Assembly ng UBJP Sulu at ang Central Mindanao bilang paghahanda sa pagsabak ng MILF sa kauna-unahang 2025 Bangsamoro Parliament Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)