Amnestiya ng Pamahalaan para sa MILF, MNLF at communist insurgents abot 100K ang bilang ang makikinabang — NAC
COTABATO CITY (Ika-19 ng Mayo, 2024) — Ang National Amnesty Commission (NAC) ay inilahad na inaasahang humigit-kumulang 100,000 dating rebelde na binubuo ng mga Muslim separatists at communist insurgents na makikinabang sa amnesty proclamations na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakaraang taon.
“Tentative po iyong numero na binigay sa amin. About 100,000 will avail,” ayon kay NAC Commissioner Nasser Marohomsalik sa isang lumabas na balita sa isinagawang forum sa Quezon City noong Sabado.
Sinabi din ni Marhomsalik na marami ang magsusumite ng amnestiya mula sa Moro National Liberation Front o MNLF.
“Libu-libo rin po sa MNLF, pero wala pang sinubmit po sa aming figure. Pero, ang alam namin libu-libo po,” aniya.
Inaasahan din nito ang mas maraming bilang sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang magiging aplikante ng amnestiya na kasalukuyang nasa usapang pangkapayaan sa gobyerno.
Sinabi ng opisyal ng NAC na ang proseso ng amnestiya ay magsisimula lamang pagkatapos ng pagsang-ayon ng kongreso, na binanggit na ang House of Representatives ay sumang-ayon sa proklamasyon ng Pangulo.
Gayunpaman, ginawa ng Senado ang pagsang-ayon para sa mga proklamasyon ng amnestiya para sa ABB (RPA-ABB), Kapatiran, MILF at MNLF noong Marso lamang.
“Noong Marso 13, inaprubahan ito ng Senado para sa mga dating rebeldeng CPP-NPA-NDF,” paliwanag ni Marohomsalik.
“So, ang alam namin libu-libo po ang nakalinya na mag-file ng application sa amin. The paperwork is being done by those organization granted amnesty. The MNLF, the MILF, the CPP and the Kapatiran and so, hinihintay po namin at huwag po nating madaliin,” ayon kay Marhomsalik.
Ang pamahalaan ay may apat na programa sa amnestiya na magkakahiwalay para sa iba’t-ibang grupo na sumasaklaw sa Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB); dating mga rebelde ng CPP-NPA-NDF; Moro Islamic Liberation Front; at ang Moro National Liberation Front.
Inilabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 47 noong Nobyembre noong nakaraang taon, na inaamyenda ang Executive Order No. 125, series of 2021, o ang paglikha ng National Amnesty Commission (NAC) kasama ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa amnestiya sa ilalim ng Proclamations 403, 404, 405 at 406.
Matatandaan na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte and Proclamation No. 1090, noong ika-5 ng Pebrero 2021 para sa amnestiya ng mga miyembro ng MILF na naka gawa ng krimen na maparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at special penal laws bilang pagsusulong ng kanilang political na paniniwala. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)