Bayan ng Butig na sentro ng digmaan noon, bumangon sa tulong ng BARMM
COTABATO CITY (November 21, 2023) – Upang maging mapayapa at makapamuhay ulit ng walang pinangangambahang takot ay nagbigay ng tulong ang Bangsamoro Government para sa “Proyektong Pabahay” sa mga ISIS inspired group na nagbalik-loob sa pamahalaan, sa isinagawang turn-over ceremony ng bagong itinayong gusali ng Municipal Hall sa Butig, Lanao Del Sur noong ika-19 ng Nobyembre.
Bukod pa dito ay nagkakahalaga naman ng P25 Milyon pisong pondo ang ibinigay ng MILG-BARMM para maipatayo ang bagong Municipal Hall ng Butig na pinasinayaan sa araw na iyon, ayon pa kay Minister Atty. Naguib G. Sinarimbo ng Ministry of the Interior Local Government (MILG)-BARMM.
Samantala, inilahad naman ni Gobernador Mamintal Alonto Adiong, Jr. ng Lanao del Sur na ang bayan ng Butig ay naging sentro ng “all-out-war” at walang nakakapunta sa lugar ngunit noong nagbigay sila ng pagkakataon para makapasok sa bayan ay sunod-sunod na mga proyekto ang ibinigay ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pinamumunuan ni Chief Minister Hon. Ahod B. Ebrahim.
“Nag-umpisa tayo ng 2021 na nagbigay na sila dito ng more than P100 Million, halos lahat ng bayan ng Lanao del Sur ay binigyan ng proyekto na ang pinakamababa ay P80 Million at sumunod na taong 2022 ay more than P100 Million, ngayong 2023 ay ganun parin. Pero, naiiba rin itong mga munisipyo na binigyan ng MILG dahil hindi kasama yan sa mga proyekto ng MPW,” ayon pa kay Gobernador Adiong, Jr.
Sinabi rin ni Adiong na kahit siya ay hindi rin pumapasok sa Butig noon upang maiwasan ang gulo, bagamat ngayong may Bangsamoro government na ay marami na anyang proyektong nakakapasok sa bayan.
“Syempre nakikita natin na satisfied na ang mga tao dahil may pagbabago na, dati hindi ka makakapunta dito, pati kami hindi na masyado pumupunta dito dahil unang-una ayaw natin ng gulo kaya ngayon pwede na pasukin at marami pa ang proyekto,” paliwanag ni Adiong.
Sa naging pahayag naman ni Mayor Atty. Dimnatang BL Pansar ng Butig, sinabi nito na ang susi sa pagbabago ng kanilang lugar ay dahil sa pagtutulungan. “The key for that is collaboration. We try to impart sa mga kababayan natin na hindi tayo uunlad kung hindi tayo magtutulungan,” anya pa.
“Yun namang advocacy, lahat lalo na tayong mga Muslim it must be moral hindi lang legal kundi moral kasi may mga bagay na hindi naman nasasakop ng ating National Laws o Regional Laws,” ayon kay Mayor Pansar.
Dagdag pa nito na kinakailangang bumalik sa Qur’an at Sunnah sa mga hindi tamang nagawa, “We need to align to this thing sa kagustuhan ng ating panginoon, Allah SWT as devoted Muslim. We need to promote Moral Governance with all our support”.
Ayon pa sa mga opisyales na ang pagtatayo ng bagong Municipal Hall sa bayan ng Butig, Lanao del Sur ay sumisimbolo sa lugar na dumanas ng gulo ngunit ngayon ay hangad na makilala bilang isang mapayapa at maunlad na munisipyo, mabigyan ng mabuting serbisyo ang mga mamamayan. (Nurjanna D. Alijam, BMN/BangsamoroToday)