Mag del Norte “Gob Sam”, nakilahok sa inagurasyon ng bagong municipal hall ng Butig, Lanao del Sur
COTABATO CITY (November 20, 2023) – Nagpahayag ng pagbati si Abdulraof “Gob Sam” Macacua sa lokal na pamahalaan ng Butig sa probinsya ng Lanao del Sur at sa mga mamamayan nito sa ginanap na turn-over ceremony at inagurasyon ng bagong itinayong munisipyo araw ng Linggo, ika-19 ng Nobyembre.
Sinabi ni “Gob Sam” na ang proyekto ay isang pangkalahatang kabahagi ng pangarap ng mga tao at ng Bangsamoro government. “Kung nangarap kayong magkaroon ng ganitong Municipal Hall, pinangarap din namin [sa BARMM] ito para sainyo” pahayag ng Gobernador ng Maguindanao del Norte.
Tinalakay din “Gob Sam” ang prinsipyo ng Moral Governance at ang mahigpit na ugnayan nito laban sa katiwalian. Para sa kanya, ang katiwalian ay hindi lamang limitado sa paglustay o money laundering. Ang pagiging hindi tapat sa trabaho ng isang tao ay halos pareho lamang.
“According sa Moral Governance, kailangang masawata ang korapsyon. In my own simple interpretation, it is not only getting money from the government. Yung corruption is not only money laundering. Kailangang mag start ang moral governance sa pinaka simpleng mga bagay sa ating pag-opisina. Kung hindi natin kaya ‘yun, I don’t think na makakaya nating yung real issue in eliminating graft and corruption,” punto pa ng Gobernador.
Ang proyekto ay naaayon sa 12-point priority agenda ng BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” B. Ebrahim kasama ang pananaw, layunin, at estratehiya nito para sa mga reporma sa pamamahala na nakabatay sa mga prinsipyo ng Moral Governance.
Ang pagpapatupad ng proyekto ay pinamumunuan ng Ministry of the Interior and Local Governance (MILG) sa pamamagitan ng Local Government Facilities Development Program (LGFDP) at ang Support to Local Government Unit Infrastructure Development Project (SLGUIDP).
Si MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo ay binigyang-diin ang mahalagang papel ng pamahalaan sa pagsusulong ng iba’t ibang mga hakbangin sa imprastraktura na siyang nagpapabilis sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Nagpapasalamat naman si Mayor Atty. Dimnatang Pansar sa mga dumalo at nagbigay ng suporta sa itinuturing niyang isa sa mga pinakakahanga-hangang kaganapan para sa mga taga-Butig. Sinabi niya na ito ay isang maipagmamalaki ng komunidad na magsisilbi hindi lamang bilang isang gusali para sa mga tungkulin ng pamahalaan ng munisipyo kundi pati na rin para sa mga aktibidad sa kultura at sibiko.
Samantala, dumalo din sa inauguration ceremony sina Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Butig Vice Mayor Bin Khalifa Pansar, MILG Deputy Minister Ibrahim Ibay, mga Alkalde ng Iranun corridor at iba pang opisyal mula sa probinsya at local government units ng Lanao del Sur. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)