MSSD nanguna sa pagbubukas ng 2023 National Children’s Month Celebration sa BARMM
COTABATO CITY (November 7, 2023) – Sa pangako nitong isulong ang pagtataguyod at proteksyon ng mga karapatan, kapakanan, at kalusugan ng mga bata, pinangasiwaan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang panunumpa ng isang grupo ng mga bata habang inihahatid nila ang “Panatang Makabata,” kasama ng mga manggagawa ng Gobyernong Bangsamoro.
Ang programang ito ay ang hudyat sa pagsisimula ng pagdiriwang ng National Children’s Month (NCM) sa BARMM nitong ika-6 ng Nobyembre na naganap sa isinagawang flag ceremony sa compound ng Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Personal namang inihatid nina MSSD Minister Atty. Raissa H. Jajurie, Deputy Minister Nur-Ainee Tan Lim, at Director General Atty. Mohammad Muktadir Estrella ang mga bata sa entablado upang manumpa. Ayon sa MSSD ito ay pagpapakita at nagpapahiwatig ng pangako ng mga may tungkulin sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga bata.
Sa kanyang mensahe, binalangkas ni Minister Jajurie ang serye ng mga paparating na aktibidad ng NCM na naka-iskedyul sa rehiyon ng Bangsamoro. Ang mga aktibidad na ito ay matutupad sa pamamagitan ng pagtutulungang pagsisikap ng iba’t ibang BARMM ministries at development partners na naaayon sa pagdiriwang ngayong buwan. (Tu Alid Alfonso/BangsamoroToday/BMN)