Bangsamoro youth sa Pilipinas, naninindigan para sa Palestine
COTABATO CITY (October 15, 2023) – Nakikiisa at nanindigan ang grupo ng mga Kabataang Bangsamoro ng United Youth for Peace and Development (UNYPAD) mula sa Katimugang bahagi ng Pilipinas, sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa mga biktimang inosenteng sibilyan ng Palestine sa patuloy na pag-atake, pambobomba ng Israel sa Gaza na nagdulot ng pagkawasak ng mga kabahayan at pagkamatay ng mga sibilyan.
Sa pahayag ng UNYPAD sa pamamagitan ni Dats Magon, ang taga pagsalita ng grupo, sila ay nanawagan sa international community na itigil na ang genocide campaign sa Gaza na kasamang tina’ target ang kababaihan, kabataan, at mga bata.
Nanawagan din sila sa gobyerno ng Israel na bigyan ng pahintulot ang humanitarian intervention upang makita at mabigyan ng gamot ang mga sugatang sibilyan.
Sinabi din ni Magon na sila ay patuloy na nanawagan sa gobyerno ng Israel na respetuhin ang International Humanitarian Law (IHL) upang matukoy ang sibilyan, at laban sa sinasabing lehitimong target sa nasabing digmaan.
Nanawagan din ang UNYPAD para isulong ang two state-state solution upang matigil na ang kaguluhan sa Gaza na naging dahilan nag pagkasira ng ari-arian, at apektadong mg matatanda, na halos karamihan ay mga kababaihan, kabataan at mga bata.
Samantala, araw ng Lunes, ika-16 ng Oktubre ay magsasagawa ng Bangsamoro Rally for Free Palestine na pangungunahan ng League of Bangsamoro Organizations (LBO) na gagawin sa City Plaza ng Cotabato mula Alas-Tres hanggang Ala-Sais ng gabi. (Tu Alid Alfonso/BMN/BangsamoroToday)