MBHTE nagbigay ng mahigit 20 Milyong Piso ng Science educational materials at supplies sa High School Learners
COTABATO CITY (October 13, 2023) – Idinaos ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) araw ng Miyerkules, October 11, sa Camp Siongco National High School, ang malawakang pamamahagi ng Science educational materials at supplies na nagkakahalaga ng P20,511,000.00 para sa mga high school learners ng 39 na paaralan sa ilalim ng Maguindanao del Norte Division.
Kabilang sa mga nasabing materyales at supply ang Earth Science Model kit, Human Anatomy Model kit, at Geometry at Atomic Molecular Model kit.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director General for Basic Education Abdullah P. Salik, Jr., ang kahalagahan ng Science bilang isa sa mga mahalagang bahagi sa pagbuo ng bansa.
“Kayo po ang kauna-unahang nagkaroon nito sa ating division, marami pa pong deliverables ang MBHTE para po sa inyo. Ang hinihiling lang po natin ang mandato ng Moral Governance na kung ano po ang mga trabaho natin dapat po nating gampanan bilang ating ibadah-worship sa Allah,” punto pa ni DG Salik.
Pagkatapos ay hinamon niya ang mga estudyante na mag-isip nang kritikal, at gawing posible ang mga imposible sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.
Hinikayat din niya ang mga high school learners na mag-aplay para sa scholarship opportunities sa BARMM tulad ng Bangsamoro Junior Scientist Program ng MBHTE, at iba pa.
Ang Maguindanao del Norte Schools Division Superintendent, Dr Alma M. Abdula-Nor, ay sinabi nito na ang mga modelong pang-agham na ibinigay ng MBHTE sa pangunguna ni Minister Mohagher M. Iqbal ay magiging daan upang mas lubos pang matuklasan ng mga mag-aaral ang agham.
“I am urging the principals of all the secondary schools to let the learners use these in your laboratory room…please take care of it dahil sa totoong buhay noong high school ako hindi ako nakakita at nakahawak nitong lahat,” pahayag ni SDS Abdula-Nor.
“Alhamdulillah, that is now the new system of our education, coming from the national office and given to us by the MBHTE,” dagdag pa nito.
Ang MBHTE Property and Supply Section ay nakatakdang mag-iskedyul ng pamamahagi ng parehong mga suplay sa iba pang schools divisions. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)