MBHTE Schools Division Superintendents ‘Excited’ na maiuwi ang Kampeonato sa BARMMAA Meet 2023
COTABATO CITY (May 24, 2023) – ‘Excited’ na ang labing-isang (11) Schools Division Superintendents ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang inihayag sa paglilibot ng grupo ni Director General for Basic Education Abdullah “Junn” P. Salik, Jr., araw ng Miyerkules, sa billeting schools mula sa Broce Central Elementary School kung saan dito naka house ang delegado ng Maguindanao Division I at patungong Tenorio Elementary School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at doon naman ang billeting quarter ng Maguindanao Division II, papunta hanggang sa lungsod ng Cotabato.
Kasama sa grupo ni DG Junn ang Basic Education Bureau Directors Johnny Balawag, Dr. Daud Kadon, Director Judith D. Caubalejo, Alkhan Sangkula at MBHTE Basic Education staff.
Sa pahayag ni SDS Maguindanao I, Bai Meriam A. Kawit, Alhaja na humanda ang host Division ng Cotabato dahil maraming kalaban ang tinaguriang “Tigre” ng 11 Schools Division ng MBHTE.
Sa billeting quarter ng Maguindanao II ay inabutan ng team ang pagluluto ng pagkain ng mga cook para sa kanilang atleta at ayon kay SDS Alma M. Abdula-Nor na nais nilang manalo bagamat ito ay sekondarya lamang na layunin ng palarong BARMMAA, na ang pinakalayunin ay para sa kapayapaan at pagkakaisa.
“Since na sinabi ng ating Honorable Minister that the win is just a secondary objective of BARMMAA, the primary is peace and unity which is to sustain the gains at yun po ang iniisip natin but one thing for sure na dapat win-win-win,” ayon kay SDS Nor.
Dinaanan din ng grupo ni DG Salik ang Tamontaka Central School, at dito naman ang billeting quarter ng Special Geographic Area-North Cotabato na pinamunuan ni Schools Division Superintendent Dr. Edgar S. Sumapal, hanggang makarating sa Notre Dame Village Elementary School at dito makikita ang delegasyon ng Basilan at tumuloy ang grupo sa Notre Dame Village National High School upang tingnan ang Lamitan City Division.
Sa panayam ng BangsamoroToday kay Basilan Schools Division Superintendent Tim J. Undain-Sanchez ay maingat nilang binabantayan ang kanilang mga atleta upang hindi ito makalabas ng billeting school upang matiyak ang seguridad ng mga manlalaro ng Basilan.
“Yung Division Sports Coordinator natin ay halos ‘di natutulog umiikot hanggang alas-tres kasi takot sila na may lumabas sa mga bata at mag-suroy-suroy sa labas,” kwento ni Sanchez.
Sinabi naman ni Lamitan City, Basilan SDS Myra B. Mangkabung, Ed.D, CESE na kahit maliit lang ang kanilang delegasyon ay nakakapuwing umano ang kanyang mga atleta para sa BARMMAA Meet 2023.
“Alhamdulillah, we’re ready, maliit man ang delgasyon namin ngunit nakakapuwing,” pahayag ni Mangkabung.
Pinaghandaan ng kanyang Division ang lahat ng physical o combat sports. “Lahat ng combat, body contact sports forte ng Lamitan Division, so yung forte namin although may mga ball games din kami. Lahat kami we’re aiming for gold,” dagdag ni Mangkabung.
Nagpasalamat naman ang Tawi-Tawi OIC-SDS Dr. Lermalyn A. Halas-Tidal sa mainit na pagsalubong sa kanya ng faculty at staff ng L.R. Sebastian Elementary School at ang Barangay RH 11, gayundin sa suportang pinansyal na ibinigay ng Tawi-Tawi Local Government Unit.
Samantala, tumuloy naman sa Kimpo Elementary School upang bisitahin ang Division of Lanao del Sur II sa pamumuno ni Dr. Rubina Mimbantas Macabunar, at tumuloy sa Notre Dame RVM ang grupo ni Director General Salik, Jr. upang tingnan ang kalagayan ng mga atleta mula sa Marawi City Schools Division sa pangunguna ni SDS Anna Zenaida Unte-Alonto.
“Kami po ay nagagalak dahil I think we have one of the most beautiful billeting school and isa rin po sa aming observation ang laki po ng paghahanda ng host division,” anya pa.
“Ang ating mahal na mayor at saka ang ating achiever governor parati pong sumusuporta, in fact the chunk of our biggest budget is came from PLGU and CLGU,” ang pagpapasalamat ni SDS Alonto sa suporta ng LGUs. At tiniyak nito na mag-uuwi sila ng mga gintong medalya sa palarong BARMMAA.
Si SDS Alonto ay dito rin sa RVM nakapagtapos ng kanyang pag-aaral noong circa 1984.
Samantala, ang Lanao del Sur I Schools Division Superintendent Sahanee M. Sumagayan ay masayang sinalubong ang grrupo ni DG Salik, Jr. sa billeting school, ang Sero Central Elementary School.
“Kami po ay natutuwa sapagkat kami po ay nabiyayaan ng isang magandang paaralan, we were welcome warmly. May on duty na guard na dalawa at PNP na dalawa, maraming salamat kay Cotabato City Division Superintendent Ma’am Concepcion-Balawag at kay Mayor Bruce,” magiliw nitong pahayag. Sya rin ay nagpa-abot ng pasasalamat sa LGUs sa suportang ibinigay sa kanilang delegasyon.
Ang huling binisita ng grupo ni DG Salik, Jr. ay ang Vilo Central Elementary School at dito matatagpuan ang quarter ng Sulu Division. Sinabi ni SDS Dr. Kiram Irilis na hindi lamang sila pumunta sa BARMMAA para lang mag-participate kundi sila ay lumahok sa palaro upang makipag-compete.
“Ang tanong ko sa sarili ko at sa mga bata, ano ba ang purpose ng pagpunta natin sa Cotabato, mag-participate o mag-compete? Ang sabi nila mag-compete dahil kung mag-participate lang tayo ay bibili lang kami ng uniporme tapos uuwi na kami. Kaya bago kami pumunta dito lahat ng mga yan (atleta) ay nag-training kami doon, after Ramadhan continues ang training namin,” ayon pa kay Irilis.
Ipinaabot din ni SDS Irilis na handa rin mag-host ng BARMMAA 2024 ang Sulu Division, at ito mismo ang itinawag sa kanya ni Sulu Governor Abdusakur Tan na hingin sa pamunuan ng BARMM at kung sila ay pahihintulatan na mag-host ng susunod na BARMMAA Meet 2024 ay handang-handa na sila. (Tu Alid Alfonso, BMN/Bangsamoro Today)