Job Fair, tampok sa paggunita ng BARMM Labor Day sa ika-121 anibersaryo sa Pilipinas
COTABATO CITY (May 1, 2023) — Tampok ang Job Fair sa ika-121 na pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Pilipinas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na kasalukuyang ginaganap sa CityMall sa lungsod ng Cotabato hanggang alas kwatro ng hapon at magtatapos bukas araw ng Martes, May 2, 2023.
Sa mga aplikante, ayon sa Ministry of Labor and Employment (MOLE)-BARMM sa pamumuno ni Minister Muslimin G. Sema, na magdala ng Resume, 2X2 ID picture, clearances mula sa PNP, National Bureau of Investigation, Barangay at Birth Certificate, at mga dokumentong kailangan sa pagsumite ng aplikasyon sa mga kompanya na nag-aalok ng trabaho.
Ilan lamang sa maaring aplayan na trabaho ay ang general nurse, encoders, trailer truck drivers, heavy equipment operators, store operations management trainee, technical support, HSR Engineers, IT staff, administrative staff, customer service representative, procurement officer, cashier, purchasing clerk, bagger, service crew, sales agent at maraming iba pa.
Sinabi ni Minister Sema, ito ay programa ng gobyerno upang mabawasan at mapababa ang unemployment rate sa rehiyon ng Bangsamoro.
Kabilang sa programa sa CityMall ang libreng serbisyo, katulad ng libreng legal consultation at notarization of simple affidavit, registration of rural workers association, at iba pang serbisyong hatid ng MOLE-BARMM.
Samantala, ang pagdiriwang ng Bangsamoro Labor Day 2023, na may temang “Matatag na Trabaho at Kabuhayan Para sa Manggagawang Bangsamoro” ay inumpisahan ng isang parada dito sa Lungsod na nilahokan ng ibat’ ibang ministries ng BARMM, representante mula sa development partners, social partners—OSHNet, wage board, BTIPC; mga manggagawa mula sa informal, pampubliko at pribadong sektor, at iba pang mga stakeholders.
Taong 1908, ay ipinasa ang isang panukalang batas ng Philippine Assembly na nagdedeklara na ang unang araw sa buwan ng Mayo ay araw ng manggagawa gayun din bilang isang national holiday; at noong 1913, ang unang araw ng manggagawa na ginanap sa Pilipinas. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday, Litrato mula kay Al Parudso, Voice FM Cotabato)