Maguindano del Norte Gov. Macacua prayoridad ang pangkapayapaan, pagkakaisa, pagkakasundo at kaunlaran

COTABATO CITY (April 25, 2023) – Prayoridad ng Maguindanao del Norte Gobernador Abdulraof A. Macacua ang pagpapatatag sa usaping pangkapayapaan, pagkakaisa at pagkakasundo ng bawat mamayan ng probinsiya at sama-sama at tumutugong Burukrasya na naglalayong patatagin ang kasalukuyang istraktura ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga polisiya na naglalayon ng good governance, transparency at accountability, paunlarin at patatagin ang pakikipagtulungan sa iba’t-ibang stakeholders at siguraduhing magkakatugma ang local at regional development plan.

Ito ang mensahe ni Macacua sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Buldon, Barira, at Matanog nitong Lunes ika-24 ng Abril.

Sinabi ni Macacua na labis na napamahal ito sa mga nabanggit na bayan dahil bukod sa matagal itong nanirahan sa nasabing mga bayan ay dito rin matatagpuan ang Camp Abubakar As Siddique na siyang pinakamalaking kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na lubos na apekatado sa mga nangyaring malalaking digmaan sa Bangsamoro kabilang ang “all-out war” noong taong 2000 para sa pakikibaka ng Bangsamoro at sa paghahangad ng karapatan sa sariling pagpapasya.

Kasama din sa pagtutuunan ng Gobernador ang pagiging matatag, maagap at nauugnay na institusyong pangkalusugan, serbisyo sa taumbayan, agrikultura at iba’t ibang kahalintulad na mga tanggapan bilang instrumento sa pagpapalakas at pagpapatibay ng serbisyong pangkalusugan, pagpapaabot ng basic social services, agrikultura, peace and order at ang pagiging handa sa anumang uri ng kalamidad na susubok sa lalawigan.

Ilan pa sa karagdagang programa ni Macacua ang pagpapalakas ng E-governance at digital infrastructure upang wakasan ang usaping red tape at mapalakas ang serbisyo sa taumbayan.

Gayundin ang pagbibigay halaga at pagpapatatag ng mga maliliit at malalaking negosyo na naglalayong palaguin ang puhunan at produksyon ng business sector upang mapalago ang ekonomiya. Bukod pa dito ay ang pagpapabuti ng produksyon ng Agri-fishery at Food Security.


Tiniyak din ni Macacua ang pagpapalakas ng sector ng edukasyon at ang Sistema sa Madaris at pagpapaigting ng serbisyong pangkalusugan at sosyal proteksyon sa pamimigitan ng pakikipagtulungan sa BARMM regional government upang mapatatag ang usaping pangkalusugan at maprotektahan ang taumbayan lalong-lalo na ang marginalized sector.

Ang pagbisita ni Macacua ay kabilang sa “First 100 Days” na programa at aktibidad ng pamahalaan ng lalawigan ng Maguindanao Del Norte. Upang masiguro na direktang makakaabot sa kanya ang hinanaing, maging reklamo ng kanyang nasasakupang probinsya ay ibinigay nito anf kanyang personal contact number sa publiko.

Inilahad din ni Macacua ang plano nitong gawin ang lalawigan ng Maguindanao del Norte na syang magiging modelo sa lahat ng probinsiya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. (Tu Alid Alfonso/BMN/BangsamoroToday, Litrato mula sa Province of Maguindanao Del Norte)


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 50 barangay health workers binigyan ng MOH ng tulong pinansyal
Next post “Von Al-Haq” nanumpa sa tungkulin bilang bagong BARMM Senior Minister